HUNYANGO
POSTED AT 01:00 AM
Si Lemuel:
Alas siyete ng umaga, naghuhumiyaw ang 5110 na nasa level 5 volume
upang gisingin ang natutulog na si Lemuel. Isang oras mula ngayon ay
mag-uumpisa na ang kanyang klase sa Chem 100. Sapilitang ibinukas ni
Lemuel ang kanyang mga mata, nag-inat at muling pumikit. Makalipas ang
limang minuto, tumunog sa pangalawang pagkakataon ang 5110. Bumangon na
si Lemuel at dumiretso sa banyo. Matapos magbihis ay kumain ng agahan
na inihanda ng kanyang mapagmahal na Ina, nagsipilyo at lumabas ng
bahay upang mag-abang ng sasakyan na magdadala sa kanya sa pamantasan.
Si Lucky:
Alas ocho y medya ng umaga, lumabas si Lucky ng Rm. 109, nagtungo
sa tambayan at doon ay nakita niya ang mga kasama. Matapos makipagkamay
sa lahat ng miyembro, nilapitan si Brad, humingi ng Lights at
nag-umpisang humitit. Tatlong upos ang naitapon niya sa may damuhan
bago nilapitan si Jeck upang alukin ng Judge.
Matapos ang dalawang oras ay dumating sina Liza at Jhen na may
dalang chocolate crinkles. Fund-raising project ito ng grupo para sa
darating na med mission sa San Nikolas. May halong yabang na
ipinamalita ni Jhen na nakumbinsi na nina Starr at Jackie ang MedInc na
magbigay ng suportang pinansyal.
Bago siya umalis ay ipinaalala sa kanya ni Brad na may BNO limang gabi mula ngayon. May bagong bukas na club sa siyudad.
Si Em-Jay:
Ala-una ng hapon, mahilu-hilo si Em-Jay na lumabas ng Anx. 204 kung
saan sila nagklase ng Math 100. Kahit wala na ang kanyang professor ay
dinig pa rin niya ang boses nito… Math is fun once you put your soul
into learning numbers. Dumiretso siya sa mga babaeng nakahilera sa
lobby. Ibinigay ang makapal na notebook ni Sharon, ang pinakamasipag sa
klase, upang ipa-photocopy. Matapos magbayad ng 9.50, dumiretso sa Rm.
201 upang isauli ang notebook. Lumabas si Sharon upang kunin ito. Hindi
na tuloy niya naisulat ang lecture ni Prof. Guzman tungkol sa variance
at standard deviation.
Tatlumpung minuto bago mag-umpisa ang klase ng Zoo Lab, nagtungo si
Em-Jay sa banyo sa third floor ng Business Ad. Nagtungo sa isang
cubicle at nagbasa ng mga vandal. Tumingin siya sa kanyang relo. 1:30,
Sept 14. Tama naman ang oras at petsa. Ilang segundo pa ay bumukas ang
pinto ng banyo. Dumating na ang kanyang hinihintay.
Si Emmanuel:
Ala-singko ng hapon, kasama ni Emmanuel na lumabas ng Zoo Lab si
Sarah. Matapos makipag-kita kina George at Cha sa lobby ay dumiretso na
sila sa bahay nina Father Jack.
Higit-kumulang na labinlimang minuto ang hinintay nila bago sila
nag-umpisa. Hinintay pa kasi nila ang ibang kasama. Nag-umpisa ang
pag-aaral sa panalangin at dito rin ito nagtapos. Maganda ang paksa
ngayong gabi. Tungkol ito sa aklat ni Mateo.
Bago tuluyang umuwi ang mga kabataan ay inabutan sila ng
certificates. Ayon kay Father Jack, ito raw ay tanda ng kanilang
pagtatapos ng isa na naming semestre sa piling ng Maykapal. Nawa raw ay
maging instrumento sila ng kabutihan.
Walang bahid na lungkot sa mukha ang mga naghiwahiwalay na
kabataan. Alam kasi nilang magkikita pa ulit sila sa susunod na
semestre.
Si Lemuel:
Alas-ocho na nang dumating sa bahay si Lemuel. Nagmano sa kanyang
Ama at Ina bago nagtungo sa kusina upang kumain ng masarap na hapunan.
Matapos magsipilyo ay dumiretso sa kwarto, naligo at nagbihis. Mula sa
kanyang aparador ay kinuha ang isang maliit na notebook. 7419. Ito ang
number combination ng lock. Kinuha niya ang kanyang Parker pen at
nagsulat:
Sept. 14, 1999
9:12 p.m.
Marami ang nangyari ngayong araw na ito…
Lucky/EM-jay/emmanUEL